KORONADAL, South Cotabato (PIA) – Balak ng mga namamahala ng Protect Wildlife Project na ipatupad ang kanilang wildlife conservation project sa mga lalawigan ng South Cotabato at Sarangani.
Nagpatawag ng stakeholders’ consultative meeting ang pamunuan ng Protect Wildlife Project at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) 12 sa layong matukoy ang mga target site sa proyekto at ang mga inisyatibong kailangan ipatupad dito.
Kabilang sa mga dumalo ay nagmula sa mga lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng mga unibersidad, at iba pang sektor.
Paliwanag ni Hadja Didaw Piang-Brahim, assistant regional director for technical services of DENR 12, ang Protect Wildlife Project ay nakatuon sa wildlife habitat and species protection and management. Layunin din nila na mabawasan ang mga banta sa biodiversity, mapigilan ang wildlife poaching o maling pagkuha at paggamit sa wildlife at wildlife products, at mapaunlad ang serbisyo na may kaugnayan sa paglinang ng ecosystem.