By: Francis T. Wakefield
Hiniling kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang partisipasyon ng publiko para protektahan ang Metro Manila sa possibleng pag-atake ng local terrorist groups.
Sa press briefing na ginanap sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi ni AFP Public Affairs Office (PAO) chief Marine Colonel Edgard Arevalo, na bukod sa paghingi ng tulong ng publiko, patuloy na nakikipag-coordinate AFP sa Philippine National Police (PNP) para masiguro ang kaligtasan ng metropolis sa harap ng mga banta ng terorismo.
Nauna nang sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na wala pa silang natatanggap na anumang intelligence information tungkol sa plano ng Maute Group na magsagawa ng pambobomba sa ilang lugar sa Metro Manila.
Ginawa ni Padilla ang pahayag matapos na kumalat ang isang memo mula sa Valenzuela Police Station – Station Intelligence Branch tungkol umano sa plano ng Maute group na magpasabog ng bomba sa Trinoma, SM Cubao, at Quezon City Circle, at ilang lugar sa Quiapo, Manila; at Makati.
Ang naturang plano, ayon sa memo, ay isasagawa ng group na pinangungunahan ni Mambang Maute, Abu Hidaya Maute, Tony Buhisan mula sa Tandang Marang Valenzuela City; Gareb Santos mula sa Taguig City; Abu Bakar Alyankana, Al Shamir, Alfana, Rhodz Wheng Kalasahan, Abu Fatie, Abu Al Hafida Hadid, Abu Quatada, Abu Safyan, Abu Ridzman, Abu Wahab, at Abu Osama.
Naging viral ang memo sa Facebook at iba pang social networking sites.