KORONADAL, South Cotabato (PIA) – Ilang pagbabago ang ipatutupad ng pamahalaang panlalalawigan sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng 18th Tnalak Festival at 51st Foundation Anniversary sa Hulyo 12 hanggang 18.
Bunsod ito sa pagpapatupad ng pamahalaang panlungsod ng Koronadal ng curfew mula alas 11 ng gabi hanggang alas 4 ng madaling araw at dahil na rin sa umiiral na Martial Law sa buong Mindanao, ayon kay South Cotabato Gov. Daisy Avance-Fuentes.
Matatandaang pinulong ni Gov. Fuentes ang Tnalak executive committee noong Miyerkules upang pag-usapan ang mga isyung pangseguridad hinggil sa naturang pagdiriwang.
Napagkasunduan sa nasabing pulong, ayon kay Gov. Fuentes, na aalisin na sa programa ang Rave Party na mas kilala na “Disco sa Kalye.” Ang Disco sa Kalye ay pinakahuling event sa Tnalak na kalimitang nagtatapos ng hanggang madaling araw.
Paliwanag ng gobernadora, mabigat na security force ang kakailanganin sa Rave Party kung kaya’t aalisin na lang ito sa programa.