By: Jean Fernando
Sugatan ang president ng Association of Barangay Captain (ABC) ng Pasay City at ang kaniyang close-in bodyguard nang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki habang paalis ng isang night club kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Pasay City police chief Senior Supt. Dionisio Bartolome ang mga biktima na sina Councilor Borby Rivera, 39, ng 355 Protacio St., Barangay 112, Pasay City; at bodyguard na si Alex Dominguez, residente ng Fairview, Quezon City.
Isinugod ang dalawa sa San Juan De Dios Hospital dahil sa multiple gunshot wounds sa katawan, ayon kay Bartolome.
Nasa stable condition na si Rivera habang nasa critical condition pa rin si Dominguez.
Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong 4 a.m. sa parking lot ng Titas Z Club sa Macapagal Boulevard, Pasay City.
Ayon sa police report, papasakay na ang dalawang biktima sa kulay puting Land Cruiser (NQH-896) paalis ng bar nang biglang lumitaw ang dalawang suspek na nakatakip ang mukha at pinaulanan sila ng bala.
Gumanti ng putok ang dalawa pang close-in security ni Rivera na sina Jomer Ruiz at Cyrill de Gracia Arce.
Tumakas ang dalawang salarin sakay ng isang motorsiklo.
Sinabi ng city police chief na inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa likod ng tangkang pagpatay kay Rivera.
Matatandaan na isinangkot noon si Rivera sa papatay kay international racing champ Ferdinand “Enzo” Pastor.
Naaresto si Rivera noong 2015 sa Makati City sa isang check-point ng Southern Police District dahil sa possession of high-powered guns.