By: Vanne Elaine P. Terrazola
Natagpuan ang mga bangkay ng dalawang menor de edad na nalunod habang naliligo sa isang creek sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Quezon City noong Martes.
Kinilala ng police ang mga nasawi na sina John Adrian Celestino, 9, at Gerald Montallana, 14, kapuwa residente ng San Roque Compound, Pingkian 1, Barangay Pasong Tamo, QC.
Ang katawan ni Celestino ay na-recover sa creek sa ilalim ng Culiat Bridge sa Barangay Katipunan dakong 5 p.m. Martes, habang nakuha ang kay Montallana sa San Juan River sa Barangay Talayan bandang 5:30 a.m. kahapon.
Base sa investigation ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakita sina Celestino at Montallana na naliligo kasama ang dalawang kaibigan sa isang creek na matatagpuan sa Finland Drive, Pasong Tamo, habang malakas ang buhos ng ulan bandang 12:30 p.m. noong Martes.
Ilang sandali pa, tinangay ang dalawang bata ng malakas na alon palayo sa kanilang mga kaibigan.
Agad na rumesponde ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard ngunit nabigo silang makita ang dalawa.
Kinahapunan ng araw ding iyon, isang concerned citizen ang nakakita kay Celestino na patay na sa ilalim ng Culiat Bridge.
Ang bangkay ni Montallana ay nakita ng isang residente na lumulutang sa San Juan River na nasasakupan ng Barangay Talayan.
Ayon kay Senior Inspector Elmer Monsalve, chief ng CIDU homicide section, nagtamo ng mga sugat sa katawan si Celestino habang si Montallana naman ay may pinsala sa ulo.