By MELL T. NAVARRO
NAKATAKDANG ihayag ngayong hapon ang 12 official finalists ng kauna-unahang Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), isang bagong film festival na handog ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Ayon sa Chairperson ng FDCP na si Liza Diño-Seguerra, noong Lunes (June 26) nang hapon ay nag-finalize na ang selection jury ng kanilang “short listed films” at nagkaroon na rin ng deliberation sa mga pipiliing masusuwerteng 12 na pelikula.
Kung hindi kami nagkakamali, ayon sa previous social media posts ni Chair Liza, umabot ng 45 films ang nagsumite sa FDCP para subukan ang suwerteng mapili sa Top 12 films.
Gaganapin ang Pista ngayong August 16-22 sa “literal” na lahat ng mga sinehan sa buong bansa – as in, walang foreign films na ipapalabas in all cinemas nationwide, bilang selebrasyon na rin ng Pilipinas sa Buwan ng Wika tuwing Agosto.
Sinasabing nasa 60 cinemas ang ilalaan bawat pelikulang kalahok sa PPP, dahil nasa 700 plus screens na ngayon ang lahat ng mga sinehan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Qualified dito ang mga pelikulang kahit na-produce na mula noong 2015 hanggang sa kasalukuyan, kahit na nakasali na sa iba’t ibang film festivals (local or international), naipalabas na sa mga schools – basta wala pang naging commercial release.
Sa recent photo na inupload ni Chair Liza na deliberation ng PPP selection jury, post nito:
“Present kahit walang pasok… all for the love of Philippine Cinema. Salamat sa inyong dedikasyon at suporta para sa ‘Pista’!
“Mabuhay ang pelikulang Pilipino!!! #PPP2017 #PistangPelikula #PinoyPride #AtinIto.”
Comment ni Iza Calzado, “Napa-kasayang diskusyon! Thank you for making me a part of the jury. Mabuhay!”