IBAAN, BATANGAS (PIA) – Pormal na binuksan ang ika-10 Negosyo Center na matatagpuan sa 2nd Floor ng municipal hall ng bayang ito.
Pinangunahan ng Department of Trade and Industry-Batangas at lokal na pamahalaan ng Ibaan ang pagbubukas na nilahukan ng mga opisyal ng barangay, kawani at department heads gayundin ang mga negosyante sa naturang bayan.
Ayon kay Konsehal Socrates Arellano, isang malaking tulong ito upang mas lalong magpursigi ang maliliit na negosyante sa kanilang pagnenegosyo pati na ang pag-asiste sa teknikal na usapin sa pagnenegosyo.
Sinabi naman ni DTI Batangas OIC Director Marissa Argente na layon ng kanilang ahensya na malagyan ang lahat ng 34 na bayan at lungsod sa buong lalawigan.
“Inuunti-unti po natin ang paglalagay ng NC’s at inaasahang lahat ng bayan sa probinsya ay magkaroon. Ito po ay magsisilbing padaluyan ng tulong ng DTI para sa pagsuporta sa ating mga micro small and medium enterprises (MSMEs),” ani Argente.
Binigyang-diin naman ni DTI 4A Assistant Regional Director Marcie Alcantara ang pagkakaroon ng partnership tulad ng DTI at lokal na pamahalaan upang mapaganda at mapalakas ang kanilang pagnenegosyo gayundin ang pagpapalakas ng purchasing capacity.