BALANGA (PIA) – Sa pagpasok ng panahon ng bagyo sa bansa, tiniyak ng Balanga City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC na handa ang mga miyembro nito sa pagharap ng anumang kalamidad.
Sumailalim ang konseho sa dalawang araw na seminar tungkol sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA na ginanap sa Subic Bay Freeport Zone.
Ayon kay Engr. Dennis Mariano, hepe ng City Public Safety Office, dapat handa ang pamahalaang lungsod sa pagresponde sa anumang kalamidad tulad ng emergency at natural disaster.
Nag-aral ang mga kalahok sa disaster preparedness sa pangunguna nina Glenn Diwa ng Office of Civil Defense o OCD na tumalakay sa RDANA, at Carlo Eleponga ng Olongapo CDRRMC at Sherwin Rosales ng Tarlac Provincial DRRMC na nagpaliwanag ng basic pre-disaster planning.
Pinapurihan naman ni OCD Regional Director Edgardo Ollet ang Balanga sa layunin nito na gawing mas ligtas ang komunidad.
Isang malawakang flood control mechanism na ang nalikha ng lungsod upang maiwasan ang dating malalaking baha na tumama rito.
Ayon sa CDRRMC, patuloy nitong gagamitin ang flood control masterplan para matiyak ang kaligtasan ng komunidad sa panahon ng pagtama ng bagyo sa lalawigan.