ISA sa mga seryeng hindi malilimutan at tumatak sa isipan ng sambayanang Filipino ang “Gulong ng Palad.” Nagsimula ito sa radyo noong 1950’s at tumagal sa ere ng anim na taon.
Then, isinatelebisyon ito noong 1975-76 sa RPN-9. Sa seryeng ito tumatak si Romnick Sarmenta bilang batang Peping.
Itinampok din sina Marianne dela Riva at Ronald Corveau bilang Luisa at Carding. Sa naturang serye nagkaibigan hanggang naging mag-asawa sa tunay na buhay sina Marianne at Ronald. Sadly, after ilang years na pagsasama’y naghiwalay sila. Kumusta na kaya ngayon ang estranged couple?
Nang i-remake ng ABS-CBN ang GNP, tinampukan naman ito nina Kristine Hermosa at TJ Trinidad.
Matapos ang mahigit na tatlong dekada, mapapanood sa big screen ang “Gulong ng Palad.” Mula pa rin sa orihinal na panulat ni Loida Virina na si Laurice Guillen ang magdidirek.
Handog ng Cineko Productions na nagprodyus ng “Mang Kepweng Returns” at ng upcoming movie na “Bes and the Beshies” na pinagbibidahan ni Ai-Ai delas Alas.
Soon ay ipapahayag ng Cineko Productions ang bubuo ng cast ng “Gulong ng Palad” na ayon kina Ms. Loida at direk Laurice, millennial ang magiging approach ng movie at sequel ng GNP. Hopefully next month ay masimulan na ang shooting nito.
Kinakabahan
Aminado si Sanya Lopez na kinakabahan siya kay Thea Tolentino. Half-sisters sila sa “Haplos” na kontrabida role si Thea bilang Lucille. Angela naman ang karakter ni Sanya.
Ani Sanya, mahusay na kontrabida si Thea, kaya kinakabahan siya kapag magka-eksena sila. Supportive naman ito sa kanya at hindi nananapaw ng eksena.
Sanay na si Thea sa bad girl role, pero aniya, iba’t ibang atake ang ginagawa niya sa bawat project. Ibinabase niya sa script, teamwork ng cast, humihingi siya ng opinion sa ibang tao, humihingi ng advice sa direktor.
Thea doesn’t mind kung na-typecast na siya sa kontrabida role. Thankful pa siya na tumatatak sa viewers ang karakter niya at nagagalit sa kanya ang mga ito. “Ibig sabihin, effective ang acting ko (laughs). Maganda ang role ko sa ‘Haplos.’ I love it. Kontrabida na may black magic,” ani Thea.
Mapapanood ang “Haplos” simula July 10 sa GMA Afternoon Prime sa direksiyon ni Gil Tejada. Tampok din sina Rocco Nacino, Emilio Garcia, Francine Prieto, Pancho Magno, Patricia Javier, Diva Montelaba at Ms. Celia Rodriguez.