CABANATUAN (PIA) – Nasa humigit kumulang dalawampung-libong pisong halaga ng mga aklat at polyeto ang ipinamahagi ng Philippine Information Agency o PIA sa Mayapyap National High School.
Ito ay kinapapalooban ng mga libro na magagamit hindi lamang ng mga mag-aaral pati na mga guro ukol sa mga pag-aaral sa kasaysayan ng sining at kultura ng bansa.
Ayon kay PIA Regional Director William Beltran, ang mga aklat ay galing sa tanggapan ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA na pangunahing katuwang sa pagbibigay inspirasyon sa mga kabataang mapangalagaan at mapalago ang sining at kultura sa rehiyon.
Maliban rito ay idinaos din sa nasabing aktibidad ang libreng pagpapanuod sa mga estudyante ng dokumentaryo hango mula sa NCCA na tumutukoy sa likas na yaman ng bansa sa Kalupaan, Karagatan at Kagubatang nakapagpaunlad ng sining at kultura ng iba’t ibang komunidad.