ODIONGAN, Romblon (PIA) – Magiging tampok ang isang Job Fair sa paglulunsad ng TNKK (Trabaho, Negosyo, Kabuhayan at Konsumerismo) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa bayan ng Odiongan sa darating na ika-10 ng Hulyo.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong magbigay ng karagdagang trabaho at negosyo sa kanayunan, ang job fair, career at employment coaching upang palakasin ang pagnenegosyo sa komunidad.
Ayon kay DOLE Provincial Director Carl Villaflores, magsisimula ang fair pagpatak ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon na gaganapin sa Romblon State University (RSU) Quadrangle sa nabanggit na bayan.
Inaanyayahan ni Villaflores ang lahat ng Romblomanon na walang trabaho na magtungo sa job fair dahil inaasahang maraming trabaho ang maaring aplayan sa fair mapa-local man o overseas (abroad).
Para sa karagdagang impormasyon o katanungan, maaaring bumisita sa tanggapan ng DOLE Romblon Field Office na matatagpuan sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.