KORONADAL, South Cotabato (PIA) – Handang-handa na ang South Cotabato para sa pagdiriwang ng 18th T’nalak Festival at 51st Foundation Anniversary sa Hulyo 12 hanggang Hulyo 18.
Sa isang pulong-balitaan, binigyan-diin ni South Cotabato Gov. Daisy Avance Fuentes na hindi rason ang umiiral na Martial law sa Mindanao at banta sa seguridad para itigil ng lalawigan ang T’nalak Festival.
Bahagi na ng tradisyon at kultura ng South Cotabato ang T’nalak Festival, ayon sa gobernadora, kung kaya’t nararapat lamang na ipagpapatuloy ang pagdiriwang nito.
“Sa tingin namin paninindigan na rin ito na hangga’t maaari, gusto naming mamuhay ng normal. Ayaw naming diktahan ng mga taong nagbabanta sa aming kapayapaan at sa katatagan ng lalawigan at ng ating bansa,” ayon kay Fuentes.