By: Vanne Elaine P. Terrazola
Tatlong lalaki ang napatay sa magkakahiwalay na pamamaril sa Quezon City noong Miyerkules.
Kinilala ng police ang mga biktima na sina Mervin Geolina, 42; Marlon Picardal, 25; at isang alias Daniel.
Ayon sa police report, nagising ang mga residente ng St. Anthony Street, Barangay Holy, sa sunud-sunod na putok ng baril dakong 12:15 a.m. bago nila natagpuang duguang nakalugmok si Geolina sa tapat ng isang sari-sari store.
Dead on the spot si Geolina dahil sa dami ng balang tumama sa kaniyang katawaan. Na-recover the crime scene ang 19 basyo ng bala.
Ayon sa police, ang biktima ay residente ng Barangay West Fairview, at nakilala sa pamamagitan ng ID na nakuha sa kaniyang katawan. Inaalam pa kung ano ang motibo ng pagpatay.
Binaril naman si Daniel sa loob ng bahay ng kaniyang kaibigan sa Dumalay Street, Barangay Sta. Monica, Novaliches, bandang 10 p.m.
Sinabi ni Edna Mangalidan, may-ari ng bahay, na kilala lamang niya ang biktima sa kaniyang alias dahil ang asawa niyang si Aries ang nagpatuloy sa kaniya.
Ayon pa kay Mangalidan, tatlong linggo nang nakikituloy ang biktima sa kanilang bahay at narinig niya sa usapan ng dalawa na ri-raid ng police ang bahay ni Daniel sa Bagong Silang, Caloocan.
Patay din si Picardal nang habulin at barilin ng isang gunman sa loob ng kaniyang bahay sa Pigeon Alley sa Congressional Avenue, Barangay Batasan Hills, dakong 11:30 p.m. Nagtamo siya ng limang tama ng bala sa ulo at katawan.