By Glen P. Sibonga
POSITIVITY at anti-war ang isinusulong na advocacies ng bandang Avalon Beyond kaya timing ang paglu-launch ng bago nilang music video para sa fourth single nilang Fly Away sa hindi pa rin natatapos na kaguluhan sa Marawi City. Ang kantang ito ay nakapaloob sa debut album nilang “Inspire” under Universal Records Philippines. Ginanap ang music video launch sa The 70’s Bistro sa Quezon City noong July 6.
Ang Avalon Beyond, na binubuo nina Ian Sison (lead vocalist), Benjo Juni (lead guitarist) at Yumi Melad (bassist), ang nanalo ng Best Rock Album of the Year sa PMPC Star Awards for Music noong isang taon. Gusto nilang i-dedicate ang bago nilang music video sa mga biktima ng Marawi siege na naglalaman ng mensaheng huwag mawalan ng pag-asa at may bagong buhay pa ring haharapin pagkatapos ng gulo at digmaan. Nakikiisa rin sila sa lahat ng mga Pilipino na umaasa at nananalangin na magkaroon na ng kapayapaan sa Marawi.
“The title of the single is ‘Fly Away.’ It’s about new beginnings kasi there’s so much negativity na dito sa mundo.
Isa sa advocacies namin is to spread positivity lalo na ngayon ‘yung nangyayari sa country natin, about sa Marawi, di ba? Sana matapos na ang war,” sabi ni Ian.
Ayon naman kay Benjo, hindi nila sinadya na masabay ang paggawa at pag-launch ng music video nila sa Marawi siege.
“We shot the video months before, way back pa bago pa nagkaroon ng gulo sa Marawi. Matagal na talaga siya. Nagkataon lang na ngayon may war, so sakto din naman, tumayming din talaga.”
Nag-shoot sila ng music video sa Pinatubo sa Zambales. Memorable raw ito para sa miyembro nilang si Yumi.
Kuwento niya, “sobrang pagod and puyat kami lahat tapos ‘yung direktor namin gusto niya tumakbo kami ng sobrang layo sa lahar, dala namin ‘yung mga gitara namin. Siguro nagsama-sama na lahat, ang init ng suot namin, ang init ng araw, so pagkatapos kong tumakbo nahimatay ako.”
Pero sulit ang lahat ng pagod at hirap nila dahil maganda ang kinalabasan ng “Fly Away” music video na mapapanood sa MYX, YouTube channel nila, Facebook page nila, at sa kanilang website na www.avalonbeyond.ph.