Ni: Ruel J. Mendoza
PARA sa Kapuso hunk na si Aaron Yanga, hindi raw trabaho ang ginagawa nila sa set ng “Dear Uge” dahil sobrang gaan daw katrabaho ng mga kasama niya, lalo na ang bida rito na si Eugene Domingo.
Si Aaron ang policeman-lover ni Uge sa naturang comedy anthology.
“Walang stress kapag nasa set kami ng ‘Dear Uge.’ Parang naglalaro lang kami.
“Kapag nasa mall ako, nakikilala nila ako dahil sa show. Kaya alam kong may nakakapanood talaga ng show namin,” ngiit pa niya.
Former model si Aaron na nakatapos ng kursong Information Technology. Sumali rin siya sa 2011 Mossimo Bikini Summit kunsaan nakasabay niya ang aktor na si Kiko Matos at ang TV5 reporter na si Renzie Ongkiko.
“Ilang years din akong nag-model for different designers. Hanggang sa dumating ang mga Brazilian-Japanese models, nawalan kami ng trabaho.
“Wala kaming laban kasi mas matatangkad at mas malalaki katawan nila sa aming mga Pinoy models. Kaya showbiz na ang pinasok ko,” sey pa niya.
Sa GMA-7 ay lumabas siya sa mga teleserye na “My Faithful Husband,” “Pinulot Ka Lang sa Lupa,” “Alyas Robin Hood” at “Impostora.”
Ang yumaong film director na si Gil Portes ang naka-discover kay Aaron noong 18-years old siya. Nakita raw siya nitong bumibili sa isang tindahan.
“Hindi ko alam na director pala siya. Tinawag niya ako tapos pinatanggal niya ‘yung t-shirt ko. Ako naman, sumunod.
‘Yun pala naghahanap sila ng isang puwedeng gumanap na lalake sa movie niya na ‘Bayang Magiliw.’
“Yung first scene ko doon love scene agad with Ellen Adarna. Baguhan pa rin si Ellen noon. Kaya hindi ko malilimutan si Direk Gil dahil sa pinagawa niya sa akin.
“Sa last movie na dinirek niya na ‘Moonlight Over Baler,’ sinama niya ako sa cast. It was an honor to have worked with him,” pagtapos pa ni Aaron Yanga.