BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) – Magpapatayo ng isang Provincial Evacuation Center (PEC) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lalawigan upang mabigyan ng matutuluyang lugar ang mga biktima ng kalamidad.
Ani Governor Carlos Padilla, ang PEC na pinondohan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ay ipapatayo sa 3,000 square meter na lote sa likod ng People’s Hall sa provincial capitol sa bayang ito.
Ang PEC sa lalawigan ay naunang inaprubahan ng NDRRMC sa Cagayan Valley matapos maisumite ng provincial government ang mga nararapat at tamang dokumento sa NDRRMC.
Ayon pa sa gubernador, malaking tulong din ang Sangguniang Panlalawigan dahil sa approval nito sa paggamit ng nasabing lote para sa PEC.
Dagdag pa ni Padilla na strategic ang lokasyon ng PEC dahil katabi lamang nito ang Provincial Health Office(PHO), Provincial Engineering Office(PEO), Philippine Red Cross at Provincial Social Welfare and Development Office(PSWDO) na mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan sa oras ng kalamidad.