By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
For the past few months, nakakaramdam na ako ng pagbabago sa misis ko. Nagtratrabaho siya sa isang opisina at napapadalas ang overtime niya. Ako rin ay nagtratrabaho sa opisina pero madalas, nauuna pa akong umuwi kesa sa kanya.
Naisipan kong hulihin ang misis ko. Nagpaalam ako sa kanya na may out-of-town kami sa office at kinabukasan na ako makakauwi.
Ang hindi alam ng misis ko, aabangan ko siya sa paglabas niya mula sa opisina. Tama nga ang hinala ko dahil nakita ko ang misis ko na lumabas sa opisina na may kasamang lalake!
Namumukhaan ko ang lalake dahil officemate niya ito. Sumakay sila sa taxi kaya ang ginawa ko, sinundan ko sila. Laking gulat ko ng pumunta silang dalawa sa mismong bahay namin!
Hinintay ko silang makapasok! Sumunod ako, wala sila sa sala! Kinabahan ako lalo dahil baka nasa loob sila ng mismong kwarto namin.
Umaakyat ako, binuksan ko ng dahan-dahan ang pinto. Sumilip ako at nakita ko sila na nakahiga sa mismong kama namin.
Bubuksan ko sana ang pinto pero hindi ko ito mabuksan dahil na-stuck! Kahit anong gawin ko ay hindi ko mabuksan ng todo ang pintuan namin!
Galit na galit ako dahil hindi ko sila napasok! Ano po kaya ang gagawin ko? – Melvin ng Pasay City
Dear Melvin,
Nalulungkot ako sa nangyari sa’yo. Madalas talagang mangyari yan ganyang sitwasyon lalo na at tag-ulan. May mga pinto talaga na mahirap buksan dahil sa hamog o moisture na gawa ng ulan.
Nag-eexpand ang mga kahoy kaya ang nangyayari ay na-iistuck ito. Ang isang solusyon na pwede mong gawin ay kumuha ng hair dryer or blower at itapat ito sa pintuan. Makakatulong ito para bumalik sa dating size ang kahoy ng pintuan mo.
Pwede mo rin itong katamin para talagang mabawasan ang size ng pinto mo, matrabaho nga lamang ito.
Kung hindi ito ang problema, malamang kalawang na ang joint ng pintuan mo kaya na-stuck ito. Bumili ka ng oil para malubricate ito. Kapag hindi nakuha, pwede ka rin bumili ng bago at palitan mo na.
Sana makatulong ang payo ko para hindi na muli ma-stuck ang pintuan mo. Salamat sa pagsulat mo!