By: Jean Fernando
Isang hinihinalang snatcher na umano’y drug pusher din ang napatay matapos makipagbarilan sa patrol cops sa Las Piñas City kahapon ng umaga.
Dead on the spot ang suspect na nakilala lamang sa pangalan na “Louie”.
Sinabi ni Senior Supt. Marion Balonglong, Las Piñas City police chief, na naganap ang insidente dakong 2:15 a.m. sa Villa Costal Lopez, Daniel Fajardo, Las Piñas City.
Bago nangyari ang shootout, nakita ng Las Piñas police si Louie at dalawang kasamahan na may kahina-hinalang kilos sa isang madilim na bahagi ng lugar, ayon kay Balonglong.
Nang sisitahin ng police ang tatlo, biglang bumunot ng baril ang suspect at tinangkang paputukan ang mga alagad ng batas.
Mabilis namang gumanti ng putok ang police at napatay si Louie. Nakatakas ang dalawa niyang kasama.
Na-recover ng police sa crime scene ang sling bag ng suspect na naglalaman ng tatlong sachets ng shabu at .38-caliber revolver na kargado ng tatlong bala.