PANIBAGONG superhero ang makikilala at kapupulutan ng aral ng mga manonood simula ngayong araw sa pagganap ng breakout child star na si Awra bilang si Super Ving, ang tagapag-ligtas na makapangyarihan at may pusong busilak sa “Wans-apanataym Presents: Amazing Ving.”
Isang mabait at mapagmahal na anak si Ving (Awra) na pinagmumulan ng kaligayahan ng kanyang mga magulang na sina Cris at Soffy, na gagampanan ng nagbabalik-telebisyong tambalan nina Roderick Paulate at Carmi Martin. Masaya at kuntento si Ving kasama ang kanyang pamilya habang dala-dala ang kanilang paniniwalang sapat ang busilak na puso para maituring ang isang tao na superhero.
Suportado man ng mga magulang, lagi siyang tumpukan ng tukso ng kanyang mga kaklase sa pangunguna ng trending love team nina Kisses Delavin at Marco Gallo bilang sina Chelsea at Warren.
Sa kabila naman nito, patuloy na nagbibigay saya at nag-aaral nang mabuti si Ving upang maabot ang kanyang mga pa-ngarap. Simpleng namumuhay si Ving sa piling ng kanyang pamilya at mga kaibigan, ngunit magbabago ang lahat nang makilala niya ang superhero na si Super Bing (Ellen Adarna). Dahil sa kabutihang ipinakita ni Ving, magpapalit anyo siya bilang Super Ving matapos ipagkaloob sa kanya ang isang mahiwagang batong nagbibigay-kapangyarihan upang makapagligtas ng tao. Pero bukod sa pagpapanatili ng kapayapaan, may mas malaking misyon siyang kailangan gampanan bilang Super Ving – ang sugpuin si Reptilya (Bianca Manalo) at ang kasamaan nito.
Hindi magiging madali ang misyon ni Super Ving dahil bukod kay Reptilya, marami pa itong kampon na maghahasik ng lagim sa mga inosenteng tao. Ngunit gamit ang kanyang kapangyarihan, sisikapin ni Ving na ipalaganap ang kabutihan at talunin ang kasamaan.
Mapapanood na ang “Wans-apanataym Presents: Amazing Ving” simula ngayong araw. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Alan Chanliongco.