By: Analou De Vera
Isa na namang inmate ang namatay dahil sa sobrang init sa detention cell ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Manila Police District (MPD) headquarters in Ermita, Manila, noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si June Agdeppa, 45, isang car painter at residente ng Bohol Street, Tondo.
Naaresto si Agdeppa noong June 13 dahil sa kasong may kinalaman sa droga, ayon kay Det. Jonathan Bautista ng MPD Crimes Against Person Investigation Section (CAPIS).
Base sa initial investigation, nagreklamo si Agdeppa ng hirap sa paghinga dakong 11 a.m., dahilan para isugod siya ng jail duty officers sa MPD medical clinic na nasa tapat lamang ng DEU office.
Pinayuhan ng doctor ang police officers na pansamantalang ilagay si Agdeppa sa isang lugar na mas maluwag. Dahil dito, inilabas muna siya ng selda at dinala sa malapit sa desk ng duty officer.
Pagkalipas ng ilang minuto, lumala ang kondisyon ni Agdeppa kung kaya’t isinugod na siya ng mga pulis sa Ospital ng Maynila kung saan idineklarang siyang dead on arrival.
Dinala ang labi ni Agdeppa sa Archangel Funeral Homes para ma-autopsy.
Noong Linggo, dalawang detenido ng Malate Police Station ang namatay din dahil sa sobrang init sa kulungan.