BY: Vanne Elaine P. Terrazola
Pinalaya na noong Martes ang walong aktibista na dinakip dahil sa pagpapahayag ng pagtutol sa martial law sa kasagsagan ng special joint session ng Kongreso noong Sabado.
Pansamantalang nakalaya sina Chad Booc, 23; Kenneth Cadiang, 23; Yasser Gutierrez, 23; Vhinzill Simon, 22; Michael Villa-nueva, 24; Almira Abril, 20; Renz Pasigpasigan, 19; at John Paul Rosos, 19, mula sa Quezon City Police District (QCPD) headquarters sa Camp Karingal matapos maglagak ng P16,000 bail para sa kasong “disturbance of legislative proceedings” na isinampa sa kanila.
Iniutos ni Judge Don Ace Mariano Alagar ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 43 ang pagpapalaya sa walo.
Nakalabas sila ng kulungan dakong 5:50 p.m., Martes.
Sa kabila ng saglit na pagkakakulong, sinabi ni Gutierrez na patuloy nilang ipapahayag ang pagtutol sa martial law.
“Patuloy kaming maninindigan, patuloy kaming magtuturo,” sabi ng Lumad teacher.
Ang walong youth leaders, apat sa kanila ay volunteer Lumad teachers ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV), ay dinakip matapos magsisigaw at magwagayway ng “No to Martial Law” banners habang nagsasagawa ang Kongreso ng joint session para sa extension ng martial law sa Mindanao.
Inalis sila ng security officers ng House of Representatives mula Batasan Pambansa plenary hall at dinala sa Camp Karingal.