FIVE years and a half nang contract artist ng TV5 si Derek Ramsay at malapit nang mag-expire ang kanyang kontrata this year. Siya na lang ang naiwan sa mga Kapatid stars at naglipatan na sa ibang network ang mga dati niyang kasamahan.
Asked kung lilipat rin ba siya sa ibang network kapag natapos na ang kanyang kontrata, ani Derek, mahal niya ang TV5.
Never silang nagka-problema sa pagtatrabaho. Supportive sa kanya ang network at binibigyan siya ng role/project na gusto niya at nag-e-enjoy siya.
Aniya, naipakita niya ang kanyang loyalty sa TV5. Ito ang kanyang priority kahit pa matapos na ang kanyang kontrata.
Gusto niya pa ring tulungan ang TV5.
May ginawang mini-series si Derek titled “Amo” na ipapalabas tuwing Linggo simula August 20 at 9:30 pm sa TV5. Twelve episodes ito, directed by Brillante Mendoza.
Napapanahon ang tema ng “Amo” na tumatalakay sa kontrobersiyal na war on drugs ng Pilipinas. Ipapakita rito ang pakikipaglaban ng gobyerno laban sa droga at ang mga kontrobersiyang umiikot sa hanay ng pulisya sa pagpapatupad nila sa anti-drug campaign.
Isang mabuting pulis ang role ni Derek at first time niya na katrabaho si direk Brillante. “It’s an amazing experience working with him. No offense to other directors, but he is a class of his own. He doesn’t give much instructions. He doesn’t tell how to play your role,” ani Derek.
Takot sa daga
Kuwento ni Derek, may eksena silang kinunan sa isang eskinita sa Makati City. Ang daming ipis sa lugar, ang daming pusa at asong gala na may rabies. Mabuti na lang daw at walang daga dahil talagang aalis siya, ani Derek. Takot pala sa daga ang hunk actor.
May mga nagsabi pa kay Derek na maraming snipers doon at pugad ng mga drug addict. Pero aniya, mababait naman ang mga tao roon. Matapos kunan ang kanilang eksena ay parang fiesta raw ang ambience. Nagkainan sila katabi ng kanal.
Nag-shoot din sila sa Mandaluyong kung saan nakita ni Derek ang kahirapan ng buhay ng mga kapus-palad na Pinoy. Mga reyalidad sa ating paligid ang matapang na ilalarawan ng “Amo.”
Tampok din sina Allen Dizon, Felix Roco, Archie Adamos, Apollo Abraham at Vince Rillon na gaganap bilang teen-ager na drug pusher. May special participation si Baron Geisler.