By: Jeffrey Damicog
Dalawang hinihinalang bugaw ang nadakip habang 17 dalagita ang nasagip mula sa prostitution sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) agents sa isang private resort sa Caloocan City.
Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga naaresto na sina Glady Dulot at Cherry Ann Lascano.
Dinakip ang dalawa ng mga tauhan ng NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) sa isang private resort kung saan na-rescue ang 17 kabataang babae noong Huwebes.
Sumailalim ang dalawa sa inquest proceedings sa Department of Justice (DoJ) dahil sa paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking of Persons Act) at RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).
Ayon kay Gierran, ikinasa ang operation matapos makatanggap ang NBI ng information na isang grupo ng mga bugaw ang iniaalok ang mga kabataang babae sa mga lalaking customer na gusto ng sexual service.
Sumisingil ang mga bugaw ng R6,000 sa bawat dalagitang mapipili ng customer at P1,000 naman sa hindi mapipili.
Dinakip agad ng NBI agents ang mga suspek matapos na tanggapin ang bayad para sa serbisyo ng isa sa mga dalagita.