by Ruel J. Mendoza
KAHIT matagal nang tinanggal bilang isa sa mga co-host ng GMA-7 game show na “Wowowin” si Super Tekla (Romeo Librado in real life), nagsunud-sunod naman ang guestings niya ngayon sa iba’t-ibang shows ng Kapuso network.
Nitong nakaraang Sunday ay pumatok sa netizens si Super Tekla bilang si Mocha-Mo Huston (isang spoof sa singer at presidential appointee na si Mocha Uson) sa segment ng Sunday PinaSaya na “Magtanong Kay Dugong”.
Tawang-tawa ang live audience, pati na ang mga nasa social media, sa mga hirit ni Super Tekla bilang si Mocha-Mo. Pati raw kasi ang paghawi ng mahabang buhok ni Mocha ay kuhang-kuha niya.
Isa sa nakakatawang dialogue ni Mocha-Mo ay nang sabihin nito na maganda raw siyang tingnan sa TV, pero i-check daw ng marami ang kanilang TV dahil baka sira ang mga ito.
Nakakatawa rin na tuwing babanggitin ni Dugong (played by Jose Manalo) ang salitang “mangkukulam” ay tumitingin ito agad kay Mocha-Mo.
Marami ang gustong maging regular na si Super Tekla sa Sunday PinaSaya dahil sa natural nitong pagpapatawa. At bagay daw siya roon dahil magagaling na komedyante ang makakasama nito tulad nila Ai-Ai delas Alas, Jose Manalo, Wally Bayola, Joey Paras, Gladys Guevarra, Pekto at Boobsie Wonderland.
Inamin ni Super Tekla na labis siyang na-depress noong matanggal siya bilang isa sa mga co-hosts ng “Wowowin” dahil diumano sa issue nang paggamit ng droga at pagsusugal.
Nag-deny na si Super Tekla sa mga akusasyon na ito. Gusto lang daw niyang mapakinggan ni Willie Revillame ang kanyang paliwanag.
“Malaki ang utang na loob ko kay Kuya Wil. Kaya gusto kong magpaliwanag sa kanya ng personal. Pero wala akong pagkakataon.
“Wowowin will always be in my heart. Ito ang tumulong sa pagbangon ko. Forever akong may utang na loob kay Kuya Wil.”
Pero mukhang makakabawi na si Super Tekla dahil sa paglabas-labas niya sa ibang shows ng GMA-7 tulad sa “Sunday PinaSaya,” “Sarap Diva,” “MARS” at “Magpakailanman.”