DAET, Camarines Norte (PIA) – Hinikayat ng panlalawigang tanggapan ng Deparment Of Health (DoH) dito ang mga lokal na pamahalaan sa Camarines Norte na bumalangkas ng multi-sectoral task force na tututok sa pagpapatupad ng smoking ban.
Ito’y matapos na sinimulan na nga ang implementasyon ng nationwide smoking ban sa bisa ng Executive Order No. 26 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Ayon kay DoH Camarines Norte chief Dr. Jocelyn Iraola na mahalagang bumuo ng multi sectoral task force ang bawat LGU upang masigurong naipatupad ng maayos ang naturang executive order.
Aniya, sa simula ay hindi magiging madali na ipatupad ito sa mga LGU dahil karamihan ay may mga dapat pang malaman kung paano ito isasagawa, pero mas mabuting simulan ang mahigpit na implementasyon nito sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Plano rin ng DoH na makipag- ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang pag-usapan ang tungkol sa executive order upang makabuo ng mas malinaw na plano at maipatupad ng mahigpit ang isinasaad ng EO.
Ilan sa mga kakaharapin ng mga LGU sa pagpapatupad nito ay kung sino ang itatalaga para manghuli ng mga lumalabag at kung paano ito mapapanagot ganundin ang pagpataw ng penalidad.