COTABATO CITY (PIA) – Mahigit walumpong katabataang dating kasapi ng Abu Sayyaf mula Basilan ang nagpasiyang sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan kamakailan sa tulong ng ilang intermediaries kasama ang ilang lokal na opisyal bilang bahagi ng pinaigting na kampanya na masolusyunan ang mga isyung pangseguridad sa lugar.
Sumailalim sa debriefing at psychosocial intervention at pagsasanay sa pagsasaka ang 84 na dating kasapi ng ASG ay nagkakaedad mula 11 hanggang 20 taong gulang upang matulungan silang makapamuhay ng normal at maayos na pamumuhay kapiling ang kani-kanilang mga magulang at mahal sa buhay.
Bukod sa psychosocial intervention at pagsasanay sa pagsasaka, pagkakalooban din sila ng livelihood assistance at pabahay sa ilalim ng Bangsamoro Regional Inclusive Development with Growth and Equity (BRIDGE) program ng ARMM.