MALOLOS, Bulacan (PIA) – Tuloy na ang pagpapatayo ng bagong ospital sa bayan ng Bocaue ngayong ipapasubasta na ng Department of Health o DoH ang kontrata para sa P75 milyon na proyekto.
Sa inilabas na dokumento ni Lourdes Macabulos, tagapangulo ng bids and awards committee ng DoH, bahagi ito ng may P427.8 milyon na halaga na inilaan ni Pangulong Duterte upang mapalakihan at mas maging modern ang 10 pampublikong ospital sa Gitnang Luzon.
Handa na rin ang pondo para sa pagsasa-ayos, renobasyon, modernisasyon at pagpapalaki ng Bulacan Medical Center sa Malolos na nagkakahalaga ng P70 milyon at P10 milyon para sa San Miguel District Hospital.
Samantala, makakatanggap ang DoH Regional Office 3 ng P89.8 milyon para sa pagtatayo ng Regional Blood Center habang may P60 milyon para sa pagpapagawa ng Pampanga Drug Rehabilitation Center sa bayan ng Mexico.
Iba pa rito ang P7.5 milyon na ayuda ng Japan para sa pagpapatayo ng karagdagang Drug Rehabilitation Center sa Bataan.
Kukumpletuhin naman ng R48 milyon na ipagkakaloob ng DoH ang pagpapagawa ng Mexico Community Hospital sa Pampanga.
Nakatakda ring magpagawa ng mas malaking Out-Patient-Department ang DoH sa Ospital ng Sta. Cruz sa Zambales at modernisasyon nito sa halagang 15 milyon.
Iba pa riyan ang R30 milyon para matapos na ang konstruksyon ng Main Building at Dietary Building ng President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba, Zambales.