By: Chito Chavez
Tuluyan nang isasara ng Quezon City government ang Payatas landfill ngayong taon dahil malapit nang mapuno ito.
Sinabi kahapon ni City Administrator Aldrin Cuña na dahil sa napipintong pagsasara ng landfill, kailangang magdesisyon ang Metropolitan Manila Development Authority kung saan itatapon ang mga basura ng siyudad dahil hanggang ngayon ay wala pang natutukoy na lugar para sa bagong dumping area.
Nauna nang ipinahayag ni dating Environment Secretary Gina Lopez ang kagustuhang maisara ang dump site dahil malapit ito sa La Mesa watershed, isa sa pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila.
Ang Payatas sanitary landfill ay ginawa para lamang sa mga basura ng Quezon City kung saan nasa 2,800 tonelada ng basura ang nakokolekta kada araw.
Hiniling ng Quezon City Environmental Protection and Waste Management Department (EPWMD) sa MMDA na muling buksan ang Payatas sanitary landfill matapos na pansamantalang isara ito noong July 27 dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.