By GLEN P. SIBONGA
PASOK ang award-winning movies ng TOFARM Film Festival na “Paglipay” at “Pauwi Na” sa 12 na mga pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino, na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), at mapapanood sa mga sinehan nationwide sa Agosto 16-22. Kaya naman masayang-masaya at nagpapasalamat sa FDCP ang TOFARM organizers sa pangunguna nina Festival Director Maryo J. Delos Reyes at Dr. Milagros O. How, TOFARM Chief Advocate at Exceutive Vice-President ng Universal Harvester Inc.
Natutuwa sina Direk Maryo at Dr. How dahil mas marami na raw ang makakapanood sa “Paglipay” at “Pauwi Na” ngayong nationwide na ang screenings ng mga ito. Kabilang kasi ito sa pangunahing layunin nila na mas marami ang makapanood sa mga pelikulang kalahok sa TOFARM upang maibahagi nila ang makabuluhang mensahe ng mga ito na may kaugnayan sa pagpo-promote ng agrikultura, pangangalaga ng kalikasan, at pagkakaroon ng magandang relasyon ng tao sa kanyang kapaligiran. Bukod sa TOFARM Film Festival screenings, dinadala rin nila sa mga probinsya ang mga pelikula upang magkaroon ng regional screenings. Kaya malaking bagay daw na kasali ngayon ang dalawang TOFARM movies sa Pista ng Pelikulang Pilipino.
Ang “Paglipay” ay idinirehe ni Zig Dulay at pinagbibidahan nina Garry Cabalic, Joan dela Cruz, at Anna Luna. Humakot ito ng awards sa 2016 TOFARM kabilang na ang Best Picture, Best Director, Best Actor (Garry), Best Supporting Actress (Anna Luna), Best Cinematography, at People’s Choice.
Ang “Pauwi Na” ay idinirehe ni Paolo Villaluna at pinagbibidahan nina Bembol Roco, Cherry Pie Picache, Meryll Soriano, at Jerald Napoles. Marami rin itong nakuhang awards sa 2016 TOFARM na kinabibilangan ng Best Actor (Bembol, tie with Garry), Best Actress (Cherry Pie), Best Story, Best Editing, Best Production Design, at Jury Special Award.
Pinarangalan din ang “Pauwi Na” ng Golden Goblet trophy for Best Feature Film sa 20th Shanghai International Film Festival.