By: Jaimie Rose R. Aberia
Sugatan ang isang driver pati na ang kaniyang dalawang pasahero at isang pedestrian nang bumangga ang minamaneho niyang tricycle sa nakaparadang police truck ng Manila Police District (MPD) sa Ermita, Manila, kahapon ng umaga.
Ayon sa police report, nagtamo ang driver na si Agie Ramon ng mga sugat sa mukha, leeg at kaliwang braso; samantalang ang kaniyang dalawang pasahero na kapuwa mag-aaral ng Araullo High School ay nagtamo ng gasgas sa katawan. Ang pedestrian na si Lira Mundac ay nasugatan sa braso.
Base sa police report, ihahatid sana ni Ramon ang kaniyang mga pasahero sa kanilang school mula sa Otis Street nang maganap ang aksidente.
Napag-alaman na iniwasan ng tricycle ang isang kotse kung kaya’t bumangga ito sa police truck na nakaparada sa MPD Headquarters.
Nahagip ng tricycle si Mundac na noo’y naglalakad para pumasok sa trabaho.
Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries si Ramon na may hawak na student driver’s license.