By Glen P. Sibonga
NANINIWALA si John Arcilla na mas maraming mga Pinoy lalo na ang millennials ang nakaka-appreciate ng indie movies ngayon kung matino at maganda naman ang pagkagawa. Napatunayan niya ito sa pinagbidahan niyang award-winning at box-office hit movie na “Heneral Luna.”
Muli niyang naramdaman ang ga-nitong kasiyahan nang ipalabas ang bagong pelikula niyang “Birdshot” bilang opening film ngayong taon sa Cinemalaya Independent Film Festival, kung saan ito pinalakpakan at binigyan ng standing ovation ng mga nanood. Ang “Birdshot” ay produced by TBA Studios (Tuko Film Productions, Buchi Boy Entertainment, & Artikulo Uno Productions) and Pelikula Red, and directed by Mikhail Red.
“Ngayon medyo mayroon na talagang following ang indie film e. When we had it (‘Birdshot’) opened in CCP, ‘yung dami ng audience na nanood, ‘yung reception sa amin, ‘yung kani-lang appreciation, hindi ko ine-expect talaga. I mean, paglabas naming nandoon talaga lahat especially the millennials. Sobrang nakakabilib,” ani John.
Bago ang Philippine premiere ng “Birdshot” sa Cinemalaya, nagkaroon na ito ng world debut sa 29th Tokyo International Film Festival, kung saan ito nanalong Best Picture sa Asian Future Film section. Nakalibot na rin ito sa iba’t-ibang international film festivals kabilang na ang South Korea, Lithuania, Laos, Sweden, Thailand, at Belgium. “I’m really very proud of this film kasi na-appreciate siya sa Scandinavian countries, sa Asian territories, sa American territories. So, I’m sure maa-appreciate din ng mga Pinoy ito.’’
Natutuwa nga si John dahil mas maraming Pilipino na ang makakapanood ng “Birdshot” ngayong kabilang ito sa 12 mga pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino, na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at mapapanood sa mga sinehan nationwide sa Agosto 16-22.
Kasama ni John sa pelikula sina Arnold Reyes, Ku Aquino, at Mary Joy Apostol. Birdshot is released in partnership with Globe Studios which co-markets the film.