By: Jaimie Rose R. Aberia
Dalawang katao ang nasaktan habang 250 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa San Miguel, Manila, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Regional Director Fire Senior Supt. Roel Jeremy Diaz ng Bureau of Fire Protection, dinala ang mga biktimang sina Efren Ornates, 54, at Melvin Domana, 39, sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa tinamong sugat sa paa at kamay.
Base sa report, nagsimula ang sunog dakong 3:45 a.m. sa bahay ng isang Oying Degala sa 21 Sikat Street, Plaza San Miguel, dahil umano sa nakasinding kandila.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit bahay na pawang gawa sa light materials. Nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa makikitid na daan at nawalan ng tubig ang fire hydrants sa lugar.
Kasama ring naabo ang barangay hall ng Barangay 645 Zone 67. Tuluyang naapula ang apoy bandang 8:22 a.m. Tinatayang nasa P1 million ang halaga ng ari-ariang nasira ng apoy.