By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Madalas kaming uminom ng kumpare ko. Minsan, nag-iinuman kami eh tumayo ako papuntang banyo. Sinabayan ako ng kumpare ko. Habang umiihi kami ay nagsabi siya ng kanyang problema.Hiniwalayan siya ng kanyang asawa dahil wala siyang trabaho at lagi na lang siyang umiinom. Totoo naman na wala siyang trabaho at laging umiinom. Paano ko kaya sasabihin sa kanya na kailangan niya magbago ng hindi siya masasaktan?
Diego ng Paco, Manila
Hi Diego,
Bakit naman habang umiihi pa kayo ng nagsabi siya ng problema! Ang hirap nun lalo na kung nasa kalagitnaan ka ng pag-ihi mo! Hindi mo siya mayakap para ma-comfort! Hindi mo rin siya pwede hawakan dahil kasalukuyang may hawak ang kamay mo! Doon naman sa problema niya, malamang problema mo rin yun dahil madalas kayong uminom! Bago mo siya pagsabihan na magbago, eh dapat magbago ka muna. Unahin mo muna ang problema mo! At pwede ba, habang nasa banyo ako, wag mo ako lalapitan para magsabi ng problema!
Hi Alex,
May luma akong sofa na gusto ko na i-dispose. Ang ginagawa ko, linabas ko sa bahay namin at linagyan ko ng sign na FOR DISPOSAL. Isang buwan na ang nakalipas pero wala pa ring kumukuha. Hindi ko naman binibenta. Paano kaya ang gagawin ko para ma-dispose ko ang luma kong sofa?
Myla ng Libertad, Mandaluyong
Hi Myla,
Wala talagang kukuha niyan kasi pinamimigay mo.Ganito ang gawin mo, lagyan mo ng sign na FOR SALE! Lagyan mo rin ng presyo, taasan mo! Maniwala ka sa akin! Kinabukasan, nanakawin yan!
Hi Alex,
May kaibigan ako na naiinis ako at gusto kong iwasan. Ang problema, lagi siyang nagpupunta sa bahay at nakikipag-kwentuhan sa akin. Minsan, kahit sa grocery, bigla na lang siyang susulpot. Wala naman akong magawa kungdi makipag-plastikan sa kanya. Ano ba ang gagawin ko para makaiwas ditto sa kaibigan ko na ‘to?
Sylvia ng Plaridel, Bulacan
Hi Sylvia,
Napakadali lang ng problema mo! Sa ipapayo ko sa ’yo, hindi mo siya kailangang iwasan, siya mismo ang iiwas sa’yo!
Ganito ang gawin mo, utangan mo, yung malaking halaga! Panigurado, hindi na magpapakita sa’yo yun! Siya mismo ang iiwas sa ’yo!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007