By: Vanne Elaine P. Terrazola
Nanawagan si Senator Cynthia Villar sa officials ng Department of Agriculture (DA) na iwasang magdulot ng takot sa publiko dahil sa outbreak ng bird flu sa ilang bayan ng Nueva Ecija at Pampanga.
Pinayuhan ni Villar, chairman ng Senate committee on agriculture and food security, ang DA na maging mahinahon sa pagbibigay ng mga pahayag tungkol sa avian flu epidemic.
Ayon sa kanya, maaaring masaktan nang sobra ang poultry and livestock industry ng bansa dahil sa takot ng publiko sa virus na apektado lamang ang tatlong bayan sa Luzon.
“I think they should calm down the people. And then do the best they can silently, not making many announcements that could affect really the industry when it’s not that serious…We should not include everybody,” pahayag ni Villar sa interview sa ANC kahapon.
“Two towns in Nueva Ecija and one town in Pampanga, that’s not so bad. But how we will handle it is most important because we have to protect the industry and at the same time, stop the spread of the virus,” sabi niya.
Hinimok ng mambabatas ang DA na maging maingat sa pagsasalita dahil naniniwala siya na mapipigilan ang bird flu outbreak sa paraan na hindi maapektuhan ang buong poultry industry.
Samantala, sinabi niya na pabor siya sa pagbibigay ng DA sa farmers ng P80 sa kada manok na mapapatay ngunit aniya mas mabuti kung matataasan pa ang halagang ito.
Ayon sa kanya, 33 percent ng halaga ng annual agriculture production ay nanggagaling sa poultry industry sa kabila ng maliit ng tulong mula sa gobyerno.
Naglaan lamang ang DA ng P1.4 billion para sa development ng poultry industry mula sa P50-billion budget nito para sa taong 2017.