DAET, Camarines Norte (PIA) – Para mahadlangan ang krimen, iuutos sa mga motorista ang pagtanggal sa helmet o anumang uri ng takip sa mukha habang nakahinto ang kanilang sasakyan sa teritoryo ng bayan ng Labo.
Ang ordinansa na pinamagatang “Pagsugpo ng Kriminalidad sa Bayan ng Labo” ay pinagtibay ng sangguniang bayan at alkalde at paiiralin pagkaraan ng anim na buwan matapos itong mailabas sa mga pahayagan at radyo.
Ayon sa may-akda ng ordinansa na si Konsehal Dante Alaon, papatawan ng parusa ang motorista na hindi magtatanggal ng helmet kapag nakahimpil ang kanyang sasakyan saanman sa Labo.
Marami umano sa mga mamamatay-tao ay nagsusuot ng helmet o ski masks kung pumapaslang upang hindi sila makilala.
Bukod sa pagtanggal sa helmet, iniuutos din ng ordinansa na hubarin ang anumang nakatakip sa mukha katulad ng bonnet at balabal kapag papasok sa mga pampublikong gusali o tutungo sa mga matataong lugar.