Muling pinaalalahanan kahapon ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng bala sa lahat ng paliparan ng bansa matapos makumpiska sa isang female passenger ang 33 bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sabado.
Sa isang radio interview, sinabi ni Monreal na responsibilidad ng mga pasahero na i-check ang kanilang mga bagahe para masiguradong wala silang dalang prohibited items bago pumunta ng airport.
“Until now ay may nakukuha pa rin kaming mga bala kahit anong payo namin sa mga pasahero na huwag silang magdala. Ipinagbabawal po ‘yan. Kung alam nilang bawal, ‘wag na nilang piliting dalhin,” pahayag ni Monreal.
Ginawa ni Monreal ang panawagan matapos na harangin ng mga awtoridad si Jean Lolita Abad Manipud-Robles, 45, sa Gate 2 departure entrance ng NAIA terminal 2 Sabado ng hapon matapos makita sa kaniyang balikbayan box ang anim na bala para sa .38-caliber gun na nakalagay sa isang bote at 27 bala ng .45-caliber pistol na nakatago sa isang matchbox.
Inamin ni Robles na binili niya ang mga bala para dalhin sa kaniyang biyahe sa Taiwan.
Pinayagan ng awtoridad na bumiyahe si Robles sakay ng Eva Air flight BR278 pagkatapos ng investigation ngunit kinumpiska ang mga dala niyang bala. (Martin A. Sadongdong)