By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Malungkot po ang anak ko kasi 2nd place lang ang nakuha niya sa declamation contest. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya para gumaan ang pakiramdam niya. Ano po ba ang maipapayo niyo?
Linda ng Espana, Manila
Hi Linda,
Dapat wag 2nd place ang itawag mo sa nakuha niya, gawin mo itong 1st runner-up, mas magandang pakinggan. Kung hindi pa rin effective, ito ang ipaliwanag mo sa kanya. 2nd place nga siya pero kung iisipin niya, siya ang 1st place sa lahat ng mga natalo! At kung may mangyayaring masama sa 1st place, siya ang papalit!
•
Hi Alex,
May nililigawan ako. Dalawang taon ko na siyang nililigawan. Ano kaya ang mga senyales na gusto niya rin ako?
Makikita ba ito sa kilos? Sa pakikipag-usap niya sa akin? Sa mga ngiti niya? Sa mga message niya sa akin? Paano ko kaya malalaman kung gusto niya ako?
Lester ng Guiginto, Bulacan
Hi Lester
Paano malalaman? Dalawang taon ka ng nanliligaw, hindi ka pa rin sinasagot! Malinaw, hindi ka niya gusto!
•
Hi Alex,
Nakalimutan ko na birthday pala namin ng misis ko kahapon. Hindi ko siya nabili ng regalo, hindi ko siya nabati.
Nagtext siya sa akin ngayon na gusto niya raw ako makausap! Hihintayin niya raw ako sa bahay! Ano po ang gagawin ko?
Ariel ng Pamplona
Hi Ariel,
Pray!
Easy, relax ka lang! Ganito gawin! Tawagan mo ang mga kaibigan niyo, isama mo mamaya pag-uwi sa bahay. Bumili kayo ng cake, flowers at pagkain! Paguwi mo sa bahay, kumatok ka, pagbukas ng misis mo ng pinto, sabay-sabay kayong sumigaw ng ‘SURPRISE’. Iisipin ng misis mo na kasama ito sa surprise, na nagkukunyari lang na nakalimutan mo ang birthday niya! Saka, hindi ka niya sasaktan kapag maraming tao!
•
Hi Alex,
Laging nawawala ang remote control namin sa bahay! Paano kaya ang gagawin ko para hindi na ito mawala?
Isa ng San Mateo
Hi Isa,
Itali mo sa tabi ng TV para hindi mawala! Hindi na siya remote pero hindi na siya mawawala!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007