SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Sumabak kamakailan ang may 600 bilang ng mga kapulisan sa lalawigan sa tatlong araw na physical fitness test na nagsimula noong ika-23 ng Agosto.
Isinagawa ito sa Camp Winston S. Ebersole sa bayan ng San Jose sa ilalim ng pamamatnubay ng Human Resource Doctrine and Development Section (HRDDS), at ng medical team mula sa Police Regional Office (PRO)-Mimaropa.
Ayon kay PSI Carmelo Aliño, hepe ng HRDDS, sa pamamagitan ng PFT ay nababantayan ang kalusugan ng mga kapulisan.
“Dapat sila (kapulisan) ay physically and mentally fit”, paliwanag ni Aliño. Kailangan ito, dahil bukod sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa komunidad, walang pinipiling oras ang pagtupad sa tungkulin ng mga kapulisan.
Nagsagawa ng push-ups, sit-ups, 300-meter dash at kilometer run ang mga sumailalim sa physical fitness test na may edad 50-pababa, samantalang stretching at paglalakad na lang para sa mga may edad na 51-54.
Sumailalim din ang mga kapulisan sa medical test kung saan kinuha ang kanilang ECG at Blood Pressure. Sa ganitong paraan ay agad malalaman kung kaya ba ng mga kapulisan ang susuunging fitness test.