By GLEN P. SIBONGA
HANDANG-handa na ang lahat para sa isang maningning na Gabi ng Parangal ng 33rd Star Awards For Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC), na gaganapin ngayong gabi sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.
Magsisilbing hosts sina Robi Domingo, Alex Gonzaga, Daniel Matsunaga, Aljur Abrenica at Yassi Pressman.
Sa opening number, maghahandog ng awitin sina Christian Bautista at Isay Alvarez, habang sing and dance naman sa isang Bruno Mars medley sina Sam Concepcion, Edgar Allan Guzman at Darren Espanto. Isang dance number naman ang gagawin nina Ciara Sotto, Jon Lucas, Mariz Racal, Sofia Andres, Grae Fernandez at Zeus Collins.
Pagkakalooban ng natatanging karangalan bilang Ginintuang Bituin Ng Pelikulang Pilipino sina Superstar Nora Aunor at Star For All Seasons Vilma Santos. Bilang tribute ay haharanahin sila ng mga naging leading men nilang sina Christopher de Leon at Gabby Concepcion.
Ang Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award ay ipagkakaloob kay Pen Medina at si Direk Joel Lamangan naman ang tatanggap ng Ulirang Alagad Ng Pelikula Sa Likod Ng Kamera Lifetime Achievement Award.
Handog ng PMPC sa pamumuno ng presidenteng si Fernan de Guzman, ang 33rd Star Awards For Movies ay sa produksyon ng Airtime Marketing ni Tess Celestino at sa direksyon ni Bert de Leon. Mapapanood ang kabuuan ng Awards Night sa ABS-CBN “Sunday’s Best” sa Setyembre 10, 2017.