By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Sobrang kinakabahan na ako nitong mga nakaraang araw kasi pakiramdam ko may sakit ako. Lahat ng parte ng katawan ko na pinipindot ng daliri ko masakit! Kapag pinindot ko ang noo ko, masakit, kapag pinindot ko ang leeg ko, masakit, kapag pinindot ko ang tyan ko, masakit! Lahat masakit! Ano kaya sakit ko?
Ponso ng Mabini, Batangas
Hi Ponso,
Kung lahat ng parte ng katawan mo na pinipindot ng daliri mo ay masakit, wala kang malubhang sakit, alam ko na ang problema mo! Alam mo kung ano? May pilay ang daliri mo! Pahilot mo yan!
•
Hi Alex,
Nakakainis ang pusa ng kapit-bahay namin. Lalake ang pusa nila at gabi-gabi, laging nasa bubong namin at may kalampungang babaeng pusa! Ang matindi, bawat gabi, ibang pusa ang kasama! Ang iingay maglampungan! Alas-otso pa lang ng gabi kapag patulog na ako, nagsisimula na silang maglampungan! Hirap na hirap akong matulog! Ano ba ang dapat kong gawain?
Carlos ng Sta Cruz, Manila
Hi Carlos,
Ano ba problema mo, sa ingay ng mga naglalampungan pusa o kung bakit alas-otso pa lang eh patulog ka na? Hindi kaya naiingit ka sa pusa dahil siya may ka-date gabi-gabi tapos ikaw, maagang matulog? Hindi kaya panahon na para intindihin mo ang buhay mo kesa pinapakialaman mo yung buhay ng pusa ng kapit-bahay niyo!
•
Hi Alex,
May dalawa akong anak, parehong lalake, ang mga edad nila ay 11 at 12 years old. Magpapasko na at siguradong hihingi na naman sila ng regalo mula kay Santa Claus. Naniniwala kasi sila kay Santa Claus. Ang problema ko ay ang mga hinihiling nilang regalo ay sobrang mahal. Hindi na namin kayang bilhin ng asawa ko. Panahon na kaya para sabihin ko sa mga anak ko na hindi totoo si Santa Claus?
May ng Tatalon, Quezon City
Hi May,
Anong pinagsasabi mo na hindi totoo si Santa Claus! Sino may sabi sa’yo niyan! Hindi totoo yan! Totoo si Santa! Hanggang ngayon, sumusulat pa rin ako sa kanya! Totoo si Santa! Nasa North Pole siya! Totoo siya! Fake news yan! Bad ka!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007