By GLEN P. SIBONGA
NAKAKAPANGILABOT in a good way ang muling pagsasama sa isang entablado ng dalawang legends at icons ng Philippine showbiz na sina Superstar Nora Aunor at Star For All Seasons Vilma Santos nang parangalan sila ng Ginintuang Bituin ng Pelikulang Pilipino sa 33rd Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC), na ginanap noong Linggo, September 3, sa Resorts World Manila. Ang special awards na ito ay iginawad kina Ate Guy at Ate Vi dahil sa mahigit 50 years na kontribusyon nila sa industriyang pelikula.
Bago bigyan ng awards ay hinarana muna ang Superstar at Star For All Seasons nina Christopher de Leon at Cesar Montano, na naging leading men nila sa pelikula. Hindi magkamayaw sa pagtili at pagpalakpak ang mga Noranians at Vilmanians para sa kanilang mga idolo gayundin sa bihirang pagkakataon na magkasama ulit ang dalawa.
Bukod sa special awards, nag-uwi rin sila ng dagdag na parangal nang mag-tie sila sa Movie Actress of the Year, si Ate Vi para sa “Everything About Her” at si Ate Guy para sa “Kabisera.”
Ano ang pakiramdam nila na tila nabuhay ulit ang rivalry nila? “Okay lang ‘yung ganyan na friendly rivalry. Kami naman ng kumare ko ever since kami naman ang magkalaban. Pero hindi naman iyon ‘yung magkalaban kami sa career, we’re friends, so malaking karangalan na magkasama ulit kami ngayon,” sabi ni Ate Vi.
May pakiusap naman si Ate Guy sa pagka-tie nila sa Best Actress. “Huwag na nating haluan ng intriga dahil wala namang isyu. Walang dapat gawan ng isyu. Salamat sa PMPC sa karangalang ibinigay sa amin. Masaya ako nananalo kami ngkumare ko.”
Bukod sa pagpapasalamat sa PMPC sa kanilang natanggap na awards, nagpapasalamat din sila sa kanilang fans. “After five decades, limampung taon, narito pa rin kami ng kumara ko at binibigyan niyo pa rin kami ng recognition, we truly appreciate it. Maraming salamat sa PMPC, inspirasyon po namin ito. And to all the fans, Vilmanians at Noranians, maraming salamat,” ani Ate Vi.
Natatawa namang sabi ni Ate Guy, “Ang iingay ng fans. Sabi ngang kumare ko, ‘Noranians, Vilmanians, behave.’
Nagkukuwentuhan kami kanina sa backstage hindi kami magkaintindihan. Pero salamat sa mga fans na nandiyan pa rin sila para suportahan kami.”
Posible bang magkasama ulit sila sa isang pelikula? “Iyan ang pag-uusapan namin. Siguro naman kung mayroong magandang proyekto na parang ‘T-Bird at Ako,’ na naaayon o tumutugma sa aming dalawa ay bakit hindi. Para sa akin ay walang problema,” ani Ate Guy.
Dagdag pa ni Ate Vi, “Sana mabigyan kami ng magandang script kasi sa klase ng tayo namin ngayon, we’re not getting any younger. Kailangan namin ng isang magandang script para nang sa ganun ay makaasa kami na papanoorin ng mga tao.”