By: Martin A. Sadongdong
Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang 34-year-old welder nang maagaw niya ang baril mula sa isang pinaghihinalaang hired killer na tumarget sa kaniya sa Parañaque City noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ni Senior Superintendent Victor Rosete, Parañaque police officer-in-charge, ang complainant na si Eric Garcia, 34, welder, ng Marilao, Bulacan.
Ayon kay Rosete, kasalukuyang naglilinis ng muffler ng isang kotse si Garcia sa kaniyang workplace sa likod ng SM Hypermarket sa Dr. A. Santos Avenue, Barangay San Isidro, nang dumating ang suspect sakay ng motorsiklo dakong 5:40 p.m.
Huminto ng ilang metro ang gunman na nakasuot ng ballcap at saka pinaputukan si Garcia ngunit nahagingan lamang siya ng bala sa kaliwang kamay.
Sa halip na tumakbo, sinugod ni Garcia ang assassin at nakipagbuno hanggang sa maagaw niya ang baril mula sa suspek.
Napilitang tumakas ang gunman sakay ng kaniyang motorsiklo ngunit naiwan niya ang isang black sling bag na naglalaman ng isang cellphone at larawan ni Garcia na kinunan sa loob ng isang supermarket two weeks ago.
Hindi kilala ni Garcia ang suspek kahit na naalis niya ang ballcap nito.
Sinabi ni Rosete na maaaring miyembro ng isang gun-for-hire group ang suspek dahil nakuha sa loob ng naiwang bag ang litrato ni Garcia.
Ayon pa kay Rosete, maaaring “professional jealousy” ang motibo ng tangkang pagpatay.
“About a month or two months ago, he had a fistfight with another man, I have to check if he’s a co-worker, on their work. It’s a misunderstanding in their workplace so we are considering it might be a case of a professional jealousy,” pahayag ni Rosete.