By GLEN P. SIBONGA
PAREHONG ine-enjoy ng veteran actor at Vice Governor ng Bulacan na si Daniel Fernando ang showbiz at pulitika.
Natutuwa nga siya na nagagawa niyang pagsabayin ang dalawang careers niya na hindi siya nagkakaproblema.
Sa larangan ng showbiz, napapanood si Daniel ngayon bilang kontrabidang si Rigor Villoria sa ABS-CBN daytime teleseryeng “Ikaw Lang Ang Iibigin,” na pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Kim Chiu. Sa kabila ng pag-aartista, hindi rin niya napapabayaan ang kanyang tungkulin bilang Vice Governor ng Bulacan.
Kahit halos walang tulog, masaya si Daniel sa trabaho niya bilang aktor at pulitiko. “Nae-enjoy naman, kasi alam mo kapag bumababa ako sa mga tao lalo na sa Bulacan kahit saan ako pumunta o kahit sa labas ng Bulacan ay maraming nagpapa-picture. Sisigaw pa sila, ‘Rigor, Rigor!’ Tapos sasabihin pa, ‘Huwag mo naman masyadong sasaktan si Gabriel (Gerald).’ Natutuwa naman sila. Masaya ako kasi nare-recognize nila ‘yung role ko, ‘yung acting ko pinupuri nila.
Kaya hindi lang Vice-Gov ang tawag nila sa akin ngayon, tinatawag din nila akong Rigor.”
Bilang Vice Governor, tuloy-tuloy ang pagtulong ni Daniel sa kanyang mga kababayan sa Bulacan sa pamamagitan ng kanyang Damayang Filipino Movement Inc. simula pa noong 2008. Dito ay nagbibigay sila ng livelihood training program sa mga Bulakenyo gaya ng soap making, meat processing, beads making, candy making, chocolate molding, at massage theraphy upang makapagtayo ang mga ito ng small-scale business at magkaroon ng pagkakakitaan.
Noong September 5 nga ay nagkaroon ng mass graduation ang mga sumailalim sa livelihood training program.
Nagpapasalamat din si Daniel kay Bulacan Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado sa suportang ibinibigay sa kanya sa Damayang Filipino Movement Inc.
Kung papipiliin siya sa showbiz at pulitika, ano ang mas priority niya? “Kung ano ‘yung aking ginagawa sa araw na iyon, ‘yun ang aking priority. Kung ang ginagawa ko ngayon ay pulitika, priority ko ‘yun. Pero kung araw ng aking taping, nasa showbiz ako. I give priority to both of them, hindi pwedeng isa lang,” ani Daniel.