By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Hindi ko po alam kung naniniwala kayo sa mga pamahiin pero karamihan sa ating mga Pinoy, kapag ayaw umulan, nag-aalay ng itlog kay Santa Clara. Ang problema ko po eh ang gusto ko, umulan. Kasi madami akong halaman at medyo nalalanta na ang iba. Masyado namang magastos sa tubig kapag araw-araw eh didiligan ko sila. Ano po ba ang mga alam niyong pamahiin o paniniwala para umulan?
Kaloy ng Anilao, Batangas
Hi Kaloy,
Magpa-carwash ka, siguradong uulan!
•
Hi Alex,
Alam naman natin na traffic na sa buong Metro Manila. Maraming mga lugar na traffic kaya lahat ginawa natin para makaisaw sa traffic. Bukod sa Waze, ano po ba ang pwedeng makatulong sa akin para malaman kung traffic na sa dadaanan ko?
Lenie ng Cubao, Quezon City
Hi Lenie,
Maraming mga senyales na traffic na sa dadaanan mo. Bago ka pumasok sa daan na yun, ito ang mga senyales na traffic na. Kapag marami ka ng nakakasabay na nagtitinda ng mani, bottled water, iba’t ibang snacks, laruan, ibig sabihin nun, traffic na sa dadaanan mo, umiwas ka na!
•
Hi Alex,
Malapit na mag-birthday ng mister ko. Halos taon-taon eh sinusurpresa ko siya sa birthday niya! Lahat na ng pakulo ginawa ko. Ngayong taon, wala akong maisip na sorpresa para sa kanya. Ang pakiramdam ko, inaasahan na niya ang may surprise na naman ako sa kanya. Natatakot ako na baka mabuking na niya. Ano kaya ang magandang gawin ko ngayon sa birthday niya?
Kisses ng Malinta
Hi Kisses,
Kung taon-taon eh lagi mo siyang sinusurpresa, malamang ngayong taon, inaasahan niya rin yan! Kaya ang maipapayo ko sa’yo, ganito naman ang gawin mo. Wag mo siyang sorpresahin! Wala, as in dedma! Walang handa, walang party, as in wala! Sigurado iisipin niya na parte ng sorpresa yan! Matatapos ang araw niya na walang mangyayari! Unforgettable sa kanya yan. Maaring maghiwalay kayo pero at least, kakaiba ang ginawa mo!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007