By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Lagi akong pinapatawag ng teacher ng anak ko sa school. Ang palaging reklamo ng teacher ng anak ay magulo raw ito at maingay. Halos lingo-linggo akong pumupunta sa school ng anak ko. Ano kaya ang dapat kong gawin para hindi na ako ipatawag ng teacher ng anak ko?
Loida ng Marikina
Hi Loida,
Kung ayaw mo ng ipatawag ka ng teacher ng anak mo eh ganito ang gawin mo. Kapag nakita mong magulo at maingay ang anak mo sa bahay mo, papuntahin mo rin ang teacher niya sa bahay niyo. Gawin mo yan every time na magulo o maingay ang anak mo. Sigurado, hindi ka na ipapatawag ng teacher niya!
•
Hi Alex,
Isa po akong teenager at bagong lipat kami dito sa lugar namin sa Pasay. Medyo magulo ang lugar dahil maraming tambay. Ang balita ko kapag may bagong lipat dito sa lugar namin ay ginugulpi ng mga tambay na mga teenagers din. Ano kaya ang gagawin ko para hindi ako magulpi.
Sid ng Aurora, Pasay City
Hi Sid,
Napakadali ng problema mo! Heto ang gawin mo! Bago ka lumabas ng bahay, maglagay ka ng pasa sa mukha o blackeye sa mata. Sabayan mo na rin ng iyak. Iisipin ng mga teenager dun na nagulpi ka na kaya hindi ka na nila gugulpihin.
•
Hi Alex,
Inis na inis ako sa mga telemarketer na tumatawag sa cellphone ko. Mas lalong nakakainis kung tatawagan ka habang lunch o sa gabi kung kelan tulog ka na. Paano kaya matitigil ang mga telemarketer na ito sa pagtawag sa cellphone ko?
Clara ng Washington, Makati
Hi Clara,
Kapag may tumawag sa’yo, sagutin mo habang umiyak ka. Sabihin mo kaya ka umiiyak eh dahil may problema ka. Ikwento mo ang problema mo at humingi ka ng payo sa kanya. Kunin mo ang number nila at ikaw naman ang tumawag sa kanila sa lunch, sa gabi at kahit sa madaling araw. Pwede mo rin itaon sa araw ng Linggo. Tawagan mo sila palagi ng umiiyak ka.
Pwede mo rin sila hiraman ng pera. Sigurado, titigil sila sa pagtawag sa’yo!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007