By GLEN P. SIBONGA
NAGTATAKA raw si Joshua Garcia kung bakit sila iniintriga ng kanyang “The Good Son” co-star na si Loisa Andalio. May mga isyu kasing lumalabas na diumano’y nao-awkward daw sila sa isa’t isa at hindi nagpapansinan sa tuwing nagkakasama sila.
“Wala naman ganung ilangan. Siguro ‘yung ibang tao lang ang nagsasabi ng mga awkward-awkward na iyan, pero kami ni Loisa, okay naman kami. Lagi nga kaming magkasama ngayon kasi nagpo-promote kami ng ‘The Good Son,’” sabi ni Joshua.
Si Joshua kasi ang naunang naging ka-loveteam ni Loisa pagkatapos nilang lumabas sa Bahay ni Kuya sa “Pinoy Big Brother: All In” noong 2014. Nagkasama pa sila sa afternoon teleseryeng “Nasaan Ka Nang Kailangan Kita” noong 2015.
Pero pagkatapos nito ay pinaghiwalay na sila.
Si Joshua ay ipinarehas sa iba pero ang kilalang ka-loveteam niya ngayon ay si Julia Barretto na nakasama niya sa mga pelikulang “Vince and Kath and James” at “Love You To The Stars And Back.” Nagkasama rin sila sa isang episode ng “Maalaala Mo Kaya.”
Maging si Loisa ay iba-iba rin ang nakapareha. Ipinares siya kay Yves Flores sa “Be My Lady,” kina Jameson Blake at Mark Oblea sa “My Dear Heart” at “Wansapanataym My Hair Lady,” at kay Jerome Ponce sa “Wansapanataym Candy Crush.”
Ngayon nga ay reunited sina Joshua at Loisa sa “The Good Son.” Happy ba si Joshua na makatrabaho ulit si Loisa? “Yes, it’s for work naman e. Wala naman problema sa amin ni Loisa. Kasi kung meron, bakit namin tatanggapin itong ‘The Good Son,’ di ba?”
Nag-react din si Joshua sa viral video sa “ASAP Chillout” kung saan diumano’y nag-make face at hindi nakisali sa tanungan si Loisa habang ini-interview sina Joshua at Julia Barretto para sa promo ng “Love You To The Stars And Back.” “’Yung ibang tao lang ang nagbibigay ng ibang meaning e. Hindi dapat sila nag-iisip ng ganun.”
Pakiusap ni Joshua, sana ay tigilan na ang pang-iintriga sa kanila ni Loisa. Happy raw sila sa set ng “The Good Son,” na mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng “La Luna Sangre” sa ABS-CBN Primetime Bida simula sa Sept. 25.