By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Gusto manood ng sine ng anak kong babae kasama ang boyfriend niya. Gusto ko sana sumama. Payag naman ang anak ko basta wag lang sa loob ng sinehan.
Sa totoo lang Alex, lalake rin tayo at alam natin ang mga kalokohan ng lalake kapag nasa loob ng sinehan. Malikot ang mga kamay natin. Ayaw ko naman takutin ang boyfriend ng anak ko baka lalong mag-rebelde.
Ano kaya ang gagawin ko para siguradong hindi gagawa ng kalokohan ang boyfriend ng anak ko habang nasa loob ng sinehan?
Rexel ng Caloocan
Hi Rexel,
Madali lang yan. Bago umalis ang anak mo, pagsuotin mo ng all-white. White blouse, white pants, at white underwear na rin! Pagdating sa sinehan, ibili mo snacks. Popcorn na cheese flavor. Yung sandamakmak ang cheese para nagmamantsa sa daliri at kamay.
Hintayin mong matapos ang sine. Paglabas, check mo kung may mansta ang damit ng anak mo. Kapag wala, safe, kapag meron, nadale ang anak mo!
•
Hi Alex,
Magulo po sa lugar namin at madalas ang holdapan. Madami pong nahoholdap pero kapag nagsusumbong sa pulis, sinasabing madilim kasi sa lugar namin. Balak sana namin maglagay ng ilaw para lumiwanag sa lugar namin.
Sa tingin niyo makakatulong ito para matigil ang holdapan sa lugar namin?
Kent ng Pasay
Hi Kent,
Hindi makakatulong kahit maliwanag na sa lugar niyo. Pwedeng tuloy pa rin ang holdapan. Ang kaibahan lang, mamumukhaan mo na ang holdaper dahil maliwanag na.
Kapag namukhaan mo, hindi man sila mahuli, at least kapag nasalubong mo sila ulit, ikaw na ang umiwas. Minsan, wala na tayong aasahan kungdi ang sarili natin, tayo na ang mag-adjust!
•
Hi Alex,
May kaibigan po akong may putok. Hindi ko naman po siya mapagsabihan kasi nahihiya ako sa kanya at saka baka ma-offend. Pero ang lakas talaga ng putok niya. Ang problema ko, naghihiram siya sa akin ng T-shirt. Papahiramin ko po ba siya?
Mart ng Tondo
Hi Mart,
Huwag mong pahiramin ng T-shirt! Ibigay mo na lang para wala ng solian!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or Facebook/Twitter/Instagram alexcalleja1007