By: A. Dennise San Juan
Pinaghahanap ngayon ng police ang lalaking sumaksak at nakapatay sa kaniyang kainuman matapos na magtalo sa Barangay Sta. Lucia, Quezon City, Linggo ng umaga.
Naglunsad ng manhunt operation ang Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit para kay Jason Opon, 22.
Ayon sa kapatid ni Opon na si Charlito, nakita niya ang kaniyang kapatid at ang biktimang si Rodolfo Estose, 52, na nag-iinuman sa lamay ng kanilang ama noong Linggo ng umaga. Pinakiusapan ni Charlito ang kaniyang kapatid na uminon sa ibang lugar bilang respeto sa kanilang namatay na ama.
Ngunit nang lumayo ang dalawa, narinig na lamang ni Charlito na nagtatalo si Opon at Estose. Nang puntahan niya ang dalawa, nakita niya ang kapatid na sinasaksak ang biktima gamit ang isang patalim.
Inawat ni Charlito ang kapatid at dinala si Estose sa pinakamalapit na ospital kung saan siya nasawi habang ginagamot.
Nagtamo ng multiple stab wounds sa likod at sugat sa leeg ang biktima. Tumakas si Opon dala ang patalim na ginamit niya sa pagpatay.