By: Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Gwapo po ako at maraming nagkaka-crush sa akin sa school. Nakakainis lang dahil ng nagpa-retoke si Marlou Arizala aka “Xander Ford,” naging kahawig ko siya.
Mula ng nagpakita siya sa TV, madami ang tumutukso sa akin na Xander Ford. Nakakainis na! Ano po ba ang gagawin ko para ma-solve itong problema?
Greg ng Makati
Hi Greg,
Naaawa ako sa sitwasyon mo. Wag kang mag-alala, kapag sumikat si Xander Ford, at least pwede kang sumali sa Showtime’s Kalokalike.
Ngayon, kung hindi ka na talaga makatiis, alam ko address niya, puntahan mo!
•
Hi Alex,
Matagal na akong nalululong ako sa sugal. Malaki na po ang naipapatalo ko. Lahat na lang bagay, ang tingin ko sugal.
Lahat na nabenta ko dahil sa sugal.
Napahiwalay na ako sa asawa ko at napabayaan ko ang mga anak ko dahil sa sugal. May pag-asa pa po ba ako na magbago?
Lorna ng Quezon City
Hi Lorna,
Oo naman pwede ka pa magbago! Gusto mo pustahan pa tayo eh! Ano?
•
Hi Alex,
May sigang bakla sa kanto namin na laging nagpapasimula ng gulo. Ang hilig mag-trip. Ang hilig mangulpi. Minsan tuloy gusto ko na patulan.
Huling nabalitaan ko, may ginulpi at kinikilan. Patulan ko na ba Alex?
Lando ng Pasay City
Hi Lando,
Wala kang panalo dyan! Kapag pumatol ka sa bakla, bakla ka rin, kapag hindi mo pinatulan, bakla ka rin!
Ang gawin mo, maghanap ka rin ng baklang maton! Tapos dalhin mo dyan sa lugar mo. Ang sarap manuod ng away ng mga bakla! Kakaloka! Bongga!
•
Hi Alex,
Kapag nagdra-drive ako sa EDSA o kahit saang highway dito sa Pilipinas, lagi akong nakakakita ng isang pirasong sapatos. Maayos na sapatos ito at hindi pa sira, yung iba nga mukhang bago pa.
Sino kaya ang may-ari ng mga sapatos na ito at bakit hindi nila binalikan at kinuha ang sapatos?
Charlie ng Alabang
Hi Charlie,
Delikado kasi ang mga daan dito sa Pilipinas kaya ang kapag naiwan mo ang sapatos mo, hindi mo na babalikan kasi baka maaksidente ka lang!
Minsan nga hindi lang sapatos, may pantalon pa. Kapag nakakita ka ulit ng sapatos, kunin mo, malay mo makita mo sa susunod ang kapares, pagkakitaan mo pa!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.