By RUEL J. MENDOZA
KUMUSTA na ba ang nakilalang si Jeyrick Sigmaton o mas nakilala bilang si Carrot Man pagkatapos mag-viral ang photo nito habang bitbit ang isang malaking tiglis ng carrots sa Mountain Province?
Lumikha ng ingay sa showbiz si Carrot Man noong nakaraang taon dahil sa magandang feature sa kanya ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Nagkaroon siya ng maraming guestings sa GMA-7 tulad ng “Sunday Pinasaya,” “Bubble Gang,” “Wowowin” at pinalabas ang kanyang life story sa “Magpakailanman.”
Kinuha pang endorser si Carrot Man ng isang kilalang clothing brand.
Ngayon ay isang bagong Carrot Man na ang tumambad nang muli siyang bisitahin at makapanayam ng show ni Jessica Soho.
Wala na ang dating long hair ni Jeyrick at modernong short cut na ang buhok niya. Mas lumabas ang kaguwapuhan ni Carrot Man.
Hindi na rin promdi kung magdamit si Carrot Man dahil katulad na siya ng mga millennials ngayon kung manamit.
Kung noon ay sobrang mahiyain si Jeyrick, ngayon ay confident na itong magsalita dahil na rin sa maraming taong nakakausap na niya sa mga events kunsaan siya naiimbitahan.
“Hindi na po ako nagbubuhat ng carrot. At least madami akong nakilalang taong ganun. Matapos mag-viral ng picture ko, nagkaroon ho ako ng invitations from local and international events,” balita pa niya.
Kapag may big event daw sa Baguio City, hindi puwedeng hindi maimbitahan si Jeyrick.
Dahil sa pagiging local celebrity niya sa Baguio, ang kinikita niya ginagamit niya para sa pagpapaaral sa kanyang mga kapatid.
Pinagpapatuloy din ni Jeyrick ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng homeschooling. Konting tiyaga na lang daw at makakakuha na siya ng high school diploma.
Nagpapalaki rin ng katawan si Jeyrick kaya panay ang kanyang workout at training sa boxing. Pangarap pa rin kasi niyang magkaroon ng showbiz career o ang maging isang sikat na boksingero.
Mahilig din sa music si Jeyrick at isa sa gusto niyang magawa ay ang maglikha ng mga bagong songs sa salitang Igorot.
Kinapupulutan pa rin ng inspirasyon si Jeyrick ng maraming kabataan sa Mountain Province. Nagkaroon pa nga ng isang pocket book series na ang titulo ay Carrot Man na tungkol sa buhay ni Jeyrick.